Sa blog post na ito, aking isasalin sa tagalog ang aking kwento sapagkat ang aming akyat sa Mt. Napulauan ay naganap noong buwan ng Agosto na kung saan ay Buwan ng wika at buwan rin ng aking kapanganakan.
Ang Mt. Napulauan o Mt. Napulawan ay matatagpuan sa bayan ng Hungduan, Ifugao. Ito ay may taas na 2,642+ MASL. Handog ng bundok na ito ang magandang Mossy Forest at mga Rice Terraces. Ngunit handog din ng bundok na ito ang matitinding ahunan o yung sinasabing unli assaults at mga limatik (blood leeches).
Day 0
Umalis kami ng Maynila ng mga bandang 10:00PM ng gabi. Galing pa ako ng office noon at umuulan pa. Ang setup ay nakaprivate transpo kami papuntang Hungduan. Madami kaming pick-up points, sa Condo nila Abbie, Petron sa Makati Ave. at Bahay nila Edmund. Pinili kong magpunta sa Condo nila Abbie at doon magpasundo. Sa Condo ni Abbie, kasama ko sila Abbie, Jayson, Aldrin, Cindy at si Pluto na may dalang cake na agad ko namang nilantakan ng tikim (antayin nyo kung bakit ko binanggit yung cake). Dumating din si Anna na dapat ay aming kasama ngunit sya ay nagkasakit pero may dala syang trail foods.
Nung kami ay makumpleto, sumakay na kami ng Van at tumungo sa Petron Makati Ave. Aming sinundo ang mag-asawang nakasama namin noon sa Balingkilat, si Sir Rod at Ma'am Emy. Mga newbie lang sila, pangatlong akyat pa lang nila major climb na agad. Pagkatapos ay tumungo na kami sa Bahay nila Edmund kung saan namin susunduin si Edmund at Sir Dennis.
Matapos kaming makumpleto ay tumungo na kami sa Hungduan, Ifugao at ang una naming hinto ay sa Banaue, Ifugao na para mag-almusal. Matutulog muna kami sapagkat mahaba pa ang byahe na aabutin ng 8 oras.
Day 1
Dumating kami sa Banaue bago mag 6:00AM. Agad kaming tumungo sa Hidden Valley Foodhaus at doon nagalmusal. Agad akong humigop ng mainit na kape bago kumain para humilab ang aking tiyan at makapagbawas bago umakyat. Pagkatapos kong uminom ng kape at kumain, pinilit kong magbawas, ngunit ako'y bigo.
Ayon sa mga tao sa Hidden Valley Foodhaus, 2 oras lang daw ang aabutin bago marating ang Hungduan. Maaga pa naman noon, kaya dumaan muna kami sa viewpoint ng Banaue Rice Terraces. Habang kami ay nasa Banaue Rice Terraces, naramdaman ko ng humihilab ang aking tiyan kaya agad akong naghanap ng bahay para makigamit ng palikuran. Pero wala akong nakita kaya tiniis ko ito hanggang makarating kami sa Tourism Office ng Hungduan.
Banaue Rice Terraces |
Larawan mula kay Pluto Diaz |
Agad kaming nagrehistro at nagbayad para sa registration fee. Napakwento pa kami sa mga coordinators tungkol sa mga pwede naming puntahan pagkatapos ng akyat. Matapos naming magparehistro ay tumungo na kami sa jump-off ng Napulauan.
Habang kami ay papunta natatakot akong lumampas sa mismong jump-off kaya tinawagan ko ulit ang aming guide na si Ms. Jascel Bugan Hill na sya ding chairman ng mga guides sa Napulauan. Halos mahigit 30 minuto pa pala mula sa Tourism Office ng Hungduan bago marating ang jump-off. Napakalayo ng byahe.
Agad kaming sinalubong ni Ma'am Jascel kasama ang isa pang guide at mga porters. Mga bata pa ang iba rito ngunit kita mong mga batak at malalakas. Ang mga guide ay may sariling uniform na kulay orange na napakatingkad. Naghanda agad kami para makapagumpisa sa pagakyat, ngunit ako ay dumeretso sa CR dahil humilab na naman ang aking tiyan.
Hindi maganda ang kinalabasan ng aking pagbabawas. LBM nga mga bes. Agad akong nanghingi ng gamot sa aking mga kasama. Sumagi na sa isip ko kung tutuloy pa ako dahil baka sumakit na naman ang aking tiyan at ayokong abutan sa bundok, pero dahil uminom na ako ng gamot tumuloy pa din ako. Ang aming target ay matapos ang buong akyat sa loob ng 2 araw at 1 gabi. Kaya magiging mahaba ang aming paglalakad papuntang summit na maaring abutin ng 7 hanggang 8 oras.
Napakainit ng aming simula. Open area ang unang part ng trail. Mabilis akong napagod dahil sa init at bigat ng aking dala. Bago kami sumapit ng Ny-o campsite ay muli na ngang sumakit ang aking tiyan.
Hindi ko magawang tiisin ang sakit kaya sinubukan ko na itong ilabas. Agad akong nanghiram ng shovel kay Jayson at pinalayo ang aking mga kasama. Dali-dali kong hinanap ang aking wet wipes at naghanap ng mapepwestuhan. Malas ko pa at inabutan ako sa ridge kaya nahirapan ako maghanap ng patag. Pagkatapos kong mailabas ang sama ng aking tiyan, uminom ulit ako ng gamot at tumuloy na ulit kami sa paglalakad. Hinang hina ako.
Pagkalipas ng mga 5 minuto, nararamdaman ko na naman sya. Huminto na naman kami. Dali dali akong naghanap ulit ng pupwestuhan at mas mahirap ang paghahanap kaysa kanina dahil paahon kami. Nang ako ay makahanap at ready na, may narinig ako na paparating, ibang grupo. Pinigilan ko ulit at lumayo sa grupo na paparating. Humawi ako ng mga baging at damo na may tinik para lang makahanap ng pwesto, kaya nagkasugat sugat din ang aking mga braso.
Sumagi sa isip kong bumalik na lang dahil hinang hina na ako at baka sumakit ulit ang aking tiyan, pero andun na ako eh, kailangan kong pilitin. Hindi ako iniwan ni Ma'am Jascel hanggang sa ako ay muling makabalik sa trail at maglakad ulit. Sabi ko sa kanya, mukhang kailangan ko ng mag-emergency porter.
Inantay ako ng aking mga kasama malapit sa isang sirang kubo. Naabutan ko silang kumakain at kinamusta nila ako. Nagbiruan pa kami kung ano ang naging dahilan kung bakit nasira ang tiyan ko, ang numero unong dahilan: Cake na dala ni Pluto.
Ako matapos ang aking paghihirap. Kuha ni Edmund Milanes |
Nagpahinga muna ako ng mga 1 oras. Sinamahan ako ni Ma'am Jascel at Edmund. Pagkatapos ng mahabang pahinga, nagpatuloy ulit kami sa pagakyat. Iniwan ko na ang bag ko at kukunin ng papaahon na porter. Ilang minuto lang dumating na din ang pinasunod naming porter, at iyon pala ay tatay ni Ma'am Jascel. Bumuti ang lagay ng aking tiyan, hindi na sya kumikirot o humihilab. Napadali din saken ang pagakyat dahil wala na akong dala pero hinang hina pa din ako.
Maganda ang trail ng Napulauan pero matarik ito at madulas. Meron din namang mga patag pero asahan mong mabibitin ka, kaya ugaliin na pag may patag, magpahinga kasi mamimiss mo sya. Nakakamangha na nakakakilabot umakyat sa Mossy Forest ng Napulauan, inisip ko na lang na anytime pwedeng lumabas si Peter Pan at si Tinkerbell.
Si Aldrin. Larawan mula kay Pluto Diaz |
Larawan mula kay Aldrin Valentona |
Mossy Forest ng Mt. Napulauan |
Ang Mt. Napulauan din ay kilala sa tawag na "Million-Dollar Mountain" dahil sa bundok daw na ito ang huling kuta ni Gen. Yamashita bago matapos ang gera at sinasabing dito din nakatago ang mga kayamanan nya. Madami ding butas sa trail. Sabi ni Ma'am Jascel, malalalim daw iyon dahil doon nagtatago ang mga tao noon para hindi makita ng mga Sundalong Hapon.
Nakakaaliw ang mga kwento sa amin ni Ma'am Jascel tungkol sa istorya ng bundok. Kaya di namin namalayan na naabutan na pala namin ang iba naming kasama. Medyo pagod na ang iba sa kanila pero malayo pa daw ang aming lalakarin. Mga bandang 5:30PM na kami nakarating ng campsite, meron nang naunang grupo pero meron pa namang space. Maliit lang ang campsite ng Napulauan, kasya siguro ang 8 - 12 na tents. May ibang parte malapit sa summit ang pwede ding maging campsite. Pero iwasang gumawa ng sariling campsite. LNT mga bes.
Huling assault papuntang summit |
Malamig noon sa summit ng Napulauan pero hindi katulad ng lamig sa Mt. Pulag, Mt. Amuyao at iba pang matataas at malalamig na bundok sa Cordillera. Umulan ng mahina habang kami ay nagluluto at agad namang tumila bago kami magsocials. Mukhang napadami ang inom ng kasamahan kong si Cindy. Sigaw sya ng sigaw dahil napagkalaman nyang ahas yung tali ng tent.
Campsite ng Mt. Napulauan |
Tulog na halos ang lahat ng napasilip ako sa labas ng tent, aba madaming bituin. Agad itong natimbrehan ni Aldrin at Abbie kaya lumabas sila ng tent at nag astrophotography, at syempre may kuha ako.
Ang aking Night shot sa Mt. Napulauan. Kuha ni Abbie Giron |
Day 2
Sumapit ang umaga at ako'y nagmadaling lumabas ng tent sa pag-asang may Sea of Clouds, ngunit wala. Pero maganda ang umagang iyon. Maaraw pero medyo maulap sa ibang parte. Mamaya pa, nagising na si Pluto at agad niyang pinaalam na sya daw ay nalimatik. Nagkalat ang kanyang dugo sa kanyang leeg at nakita namin ang limatik na busog na busog.
Magandang umaga sa Mt. Napulauan |
Busog na Limatik na kumagat kay Pluto |
Ang May-Akda ng blog. Larawan mula kay Aldrin Valentona |
Matapos naming mag-almusal, inasahan kong madaming nag-aantay na magandang tanawin sa amin pababa. Pinapili ako ni Ma'am Jascel kung saan kami bababa dahil merong dalawang trail pababa ng Napulauan. Yung lumang trail na ang labas ay sa Hapao Rice Terraces na aabutin ng 7 oras o sa Balentimol Village na may dalawang waterfalls kaming madadaan na aabutin lamang daw ng 4 na oras. Bago kami bumaba, pinroblema namin kung sino ang magdadala ng aming basura. Bilang Team leader ako ang namili, pinili ko si Pluto sa kabila na sya ay nalimatik, late ko na narealize.
Nilalagyan ni Cindy ng Breast Pad ang baba ni Pluto para huminto ang pagdugo |
Mas maganda ang Mossy forest na nakita namin pababa ng Napulauan. Pero sa kabila ng 4 na oras na pagbaba, kapalit pala nun ay matatarik na pagbaba. Higit pa dun, napakadulas din ng trail at madami samin ang nadulas. Sa aming lahat, si Abbie ang malala ang pagkakadulas at na-injury ang kanyang tuhod. Sa kanyang kwento kung paano sya nadulas ay mapapaaray ka talaga. Pero sa kabila ng kanyang injury ay nagawa pa din nyang makababa ng Napulauan. Lagi nga naming sinasabi, PUSO LANG! Hindi lang sya ang nainjury sa amin, pati na din si Cindy na natapilok. Ramdam nya agad ang sakit kaya nahirapan talaga sya pababa. Akin na lamang syang inalalayan hanggang sa makababa. May parte na kelangan nyang magpadulas kahit mabato. Nakuha namin ang pagbaba na higit sa 4 na oras.
Pero napakaganda ng dalawang falls na aming nadaanan. Ang Mungkilat Falls at ang Balentimol Falls. Para na din kaming nagsidetrip pagkatapos ng akyat.
Mungkilat Falls |
Balentimol Falls. Larawan mula kay Aldrin Valentona |
Naging mahirap ang climb na ito para sa aming lahat kahit di naging maganda ang view ng summit kasi walang Sea of Clouds. Tapos may mga na-injury pa, may nalimatik at ako na inabutan ng diarrhea sa trail. Ngunit sa kabila ng lahat ng yun, madami kaming natutunan at narealize. Madami pa din ang dapat ipagpasalamat gaya ng magandang panahon at ligtas na pagbalik sa aming mga tahanan. Sabi nga ni Doc Gideon, "Hiking is not just about the summit, it's about emotions - unguarded moments of triumph, of fear, of excitement, anxiety, boredom, and laughter." .
Pero maishare ko lang, balak ko bumalik sa Mt. Napulauan. Kelangan ko sya bawian at sisiguraduhin kong hindi na ako kakain ng cake o kahit anong may cream bago umakyat.
(L-R) Abbie, Aldrin, Cindy, Emy, Rod, Dennis, Ken, Pluto, Edmund, Jayson. Larawan mula kay Abbie Giron galing sa kanyang blog |
Mt. Napulauan Traverse
Jump-off Point: Poblacion, Hungduan, Ifugao
Exit Point: Balentimol Village, Hungduan, Ifugao
August 6 - 7, 2016
Difficulty: 7/9
ACTUAL EXPENSES
Guide: P1,000 / per day 5 persons (2 guides kami) pag sumobra add P200/headPorter Fee: same price sa guide.
Van: P15,000 all in
Registration Fee: Sa pagkakaalala ko less that P100 yun.
Estimated Budget: P2,500 - P3,000
ACTUAL ITINERARY
Day 0
2100 - ETD Manila
Day 1
0500 - ETA Banaue
0530 - Breakfast at Hidden Valley Foodhaus
0730 - Head to Hungduan, Ifugao
0745 - Quick visit in Banaue Rice Terraces Viewdeck
1000 - ETA Hungduan Tourism Office. Register
1030 - ETA Jump-off. Brgy. Poblacion
1100 - Start Trek
1230 - Lunch
1730 - ETA Summit. Set Camp.
1900 - Dinner.
2000 - Socials
2200 - Lights out
Day 2
0600 - Wake up call. Cook breakfast
0700 - Breakfast.
0730 - Break camp. Prepare for descent
0900 - Start Descent
1300 - Lunch.
1400 - ETA Mungkilat Falls.
1600 - ETA Balentimol Falls
1700 - Head back to Brgy. Poblacion
1730 - ETA Poblacion. Tidy up
1900 - Back to Manila
Galing ng konsepto mo sir, Tagalog na post :) Btw, ambilis mo pa rin kahit ikay nagtatae, ang akala ko ay ten hours to from jump off to summit ayon sa pinoy mountaineer. Cheers! Sana ay wag mag retiro itong blog mo.
ReplyDeleteRob
Notes of A Dirty Old Mountaineer
Ngayon ko lang nakita ang iyong komento, Sir. Hehe! Salamat ng madami. Muntik na magretiro ito dahil naging busy. Pero balik na ulit :)
DeleteRefreshing sir. Tagalog. Ayos.
ReplyDeleteHi sir, nice blog. May number po kayo ng guides for mt napulauan? Gusto po sana namin gawin ang traverse this weekend. Kung pwede po paki forward sa 09988655277. Maraming salamat and more power to you!
ReplyDeletewag mo iretiro sir., babalik balikan ko post mo hanggang makaakyat ako dito.
ReplyDeleteHello may contact number po ba kayo ng guide nyo?
ReplyDelete